|
Mula sa 170 fish sanctuaries sa buong bansa, kinilala at pinarangalan bilang isa sa siyam na 2007 Outstanding Marine Protected Areas finalists ang Agsalin Fish Sanctuary sa bayan ng Gloria.
Itinatag noong taong 2004 sa pamamagitan ng Municipal Ordinance No. 4 at Provincial Ordinance No. 004-2004 o ang Provincial Coastal Marine and Inland Water Resources Management Code of 2004, ang Agsalin Fish Sanctuary ay may lawak na 36.5 ektarya at may lalim na mula 50-60 pulgada. Ito ang nagsisilbing kanlungan ng masaganang yamang dagat na kinabibilangan ng mga isdang tulad ng fusiliers, snappers, surgeonfish, sweetlips, rabbitfish, jacks.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ang lalawigan ng ganitong uri ng pagkilala, ayon kay Provincial Agriculturist Office (PAgO) -Fisheries Division Head Marilyn Alcañices.
Ayon pa sa kanya, Nobyembre noong nakaraang taon nang ganapin ang awarding ceremonies sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City kung saan tinanggap nina CRM Coordinator Lydia Cantos at Gloria Municipal Planning and Development Coordinator Celso Semilla ang parangal, kasama ang P10,000 cash prize at tropeyo. Kabilang sa delegasyon ng Oriental Mindoro ang mga kawani ng PAgO, sa pangunguna ni Alcañices. Ayon pa kay Alcañices, maliban sa Agsalin, naging entry rin ng lalawigan sa kumpetisyon ang Harka Piloto Fish Sanctuary sa Barangay Lazareto, Lungsod ng Calapan.
Sa kasalukuyan, isa ang pangisdaan sa mga pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga Mindoreño kung kaya’t isa ang pagtataguyod at patuloy na pangangalaga sa may 12 fish sanctuaries sa lalawigan sa mga proyektong tinutukan ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng administrasyon ni Gobernador Arnan.
Kabilang sa mga kasalukuyang ipinatutupad na key management practices sa Agsalin Fish Sanctuary ang mga sumusunod: Bawal ang pangingisda sa loob ng core zone; tanging hook-and-line fishing lamang ang pinapayagan sa 100-m buffer zone; regular na pagpa-patrol at monitoring ng Bantay Dagat; pagbubuo ng Barangay Agsalin Fish Sanctuary Management Board na may mga komite na Habitat Enhancement & Conservation, Law Enforcement, Alternative Livelihood, Shoreline Protection & Waste Management, at Organization and Environmental Education; pagkakaloob ng alternatibong kabuhayan ng mga apektadong mangingisda tulad ng seaweed farming, mga pasilidad at soft loan para sa fish processing, mga pagsasanay sa tilapia at bangs farming at fish aggregating devices sa mga kalapit barangay; at paglalaan ng P24,000 taunang pondo para sa pangangalaga sa sanctuary.
|